Tuesday, July 30, 2013

Himbing

Ipikit na lamang ang lumbay sa dilim
Baka sakaling matupad mga hiling
Umasang wala na sa aking paggising
Bumabalot sa langit, ulap na itim

Sana nama'y kapag ang mata'y dumilat
Ang aking diwa'y sa panaginip mamulat
Tumungtong ang paa sa lupang pangarap
At sa'king paghinga'y ligaya'y malanghap

Hindi man paraiso, hindi man langit
Hindi man tunay, kahit nasa isip
Ang lahat ng ito'y aking panaginip
Na sa'king hikahos laging nakapiit

Kahit dito lamang sa sariling paraiso
Hayaan naman sanang lumaya ako
Makawala mula sa gapos ng mundo
Makatakas mula sa dakma ng tao

Hayaang mahimbing sa lalim ng paghinga
'Wag buksan mga nakapinid na mata
Kung 'di na magising, hindi mahalaga
Pagka't dito lang kita ang aking pag-asa