Unang araw ng klase at ayoko pa naman sanang mahuli. Umalis ako ng 6:00 AM para sa 8:00 AM na klase ko. Maraming tricycle palabas ng aming village at hindi trapik papunta sa sakayan ng jeep o FX. At dahil ubod ng haba ang pila sa FX, minabuti ko na lamang sumakay ng jeep. Pero sana pala hindi na lang.
Parang lata ng sardinas na gumugulong sa Commonwealth Avenue ang jeep na nasakyan ko. Itodo man ng drayber ang bulusok ng makina hanggang malagong ulap-ulan na ang hithitin ng tambutso eh makikita sa labas na tila umaatras pa rin ang sasakyan sa sobrang kabagalan. Pinatungan pa ng mabigat na trapik sa ginagawang kalsada at wisikan pa ng ulan ay siguradong nabuo ang araw ko.
Ngunit may balyena pa sa lata ng sardinas. Isang babaeng may kaunting edad na at may matabang katawan, lalo na ang hita, ang aking katabi. Kung umupo ay laging tagilid at walang ginawa kundi tumingin sa labas. Hindi nag-aabot ng bayad; hindi umaayos ng upo; wala! Walang paki, walang reaction.
Ang balyenang ito ang pangunahing dahilan ng pagdurusa ko sa tila habambuhay na paglalakbay ko sa lata ng sardinas. Ang tuhod ng balyenang ito ay walang ikinaiba sa kutsilyong nakabaon sa aking hita. Ilang beses na akong umaayos ng upo para man lang mapansin niya na nahihirapan ako, ngunit hindi pa rin kumikibo ang balyena. Hindi ko mawari kung sadyang nakadilat ang balyena kapag natutulog, hindi marunong makiramdam, o manhid lang talaga ito.
Hinayaan ko na lang. Sadyang may mga taong makasarili at ang magagawa ko ay hindi maging isa sa kanila. Sapagkat sa huli, sardinas man o balyena, iisang lata lamang naman ang aming ginugulungan.
No comments:
Post a Comment