Isang malamig na gabi habang naglalakad pauwi sa aming lugar nang masilayan ko ang magnanay: isang batang mapayat na mga apat o limang taong gulang at isang nanay din na kung titingnan ay kasinpayat lamang din ng kaniyang anak. Nahiya na akong pagmasdan pa sila sa ilalim ng dilaw na ilaw ng poste ng kanilang katapat na kapitbahay.
Wala silang ilaw. Hindi ko ito agad napansin ni napag-isipan lamang; nalaman ko lang ito nang sabihin sa akin ng aking ama. Palibhasa'y ako'y hindi palalabas ng bahay, at kung lalabas ma'y may pasok sa kolehiyo o may pakay sa ibang lunan; kahit saan basta't hindi sa aming lugar. Dahil dito, hindi ko gaano kilala ang aming mga kapitbahay at lalo naman itong mag-inang ito na dalawang kanto pa ang layo mula sa amin.
Hindi ko alam ang pakiramdam ng mabuhay sa literal na dilim gabi-gabi, dahil ako ay ipinanganak sa liwanag: literal na liwanag. Ilang segundo bago magtanghaling tapat nang ako'y iluwal mula sa sinapupunan ng aking ina noong ika-6 ng Mayo labingwalong taon na ring nakalilipas. Ako'y panganay ng isang buo na pamilya. Masunurin, mabait, matalino, o kung minsan pa'y henyo ang turing sa akin ng iba na hindi ko naman iniintindi, pinaniniwalaan, o iniinda. Marahil kung mas kilala nila ako ay hindi nila masasabi iyon.
Hindi nila ako kilala ng lubos ng marami nguni't mas lalo namang hindi ko kilala ang mag-inang nasa tapat ng poste ng kanilang kapitbahay. Nakaupo sila sa semento't grabang hagdan kung saan lumalapat ang kanilang luntiang gate, nagbabasa sa ilalim ng malamlam na dilaw na ilaw ng poste. Sa sandaling sumulyap ako sa kanilang mga mukha'y nakita ko ang kunot na noo ng nanay, ang mahigpit na hawak sa libro, ang matigas na pagpihit ng kaniyang hintuturo sa pahina ng aklat na kaniyang hawak, at ang asim sa mukha ng batang humahagulgol at nagmamakaawang, "Ayoko na..."
Hindi ko man sila kilala'y sa sandaling iyon ay naintindihan ko sila. Naintindihan ko kung bakit galit na galit ang nanay. Naintindihan ko kung bakit pasigaw siyang nagtuturo ng English sa kanyang anak. Naintindihan ko ang dahilan sa likod ng bawat hagulgol at bawat luhang umagos sa mata ng bata, Naintindihan ko sapagkat dumaan din ako rito.
Noong bata ako'y pinagagalitan din ako ni mama. Lumuluha din ako sa harap ng kaniyang flashcards at multiplication table na kailangan kong masagutan sa loob ng wala pang isang segundo. Kailangang napakabilis, palibhasa'y ako'y isang panlaban sa palahok na pinamamahalaan ng Mathematics Teachers Association of the Philippines o MTAP. Sumigaw din ako ng "Ayoko na", at sinagot din ako ni mama ng "Hindi!" Natawag din akong "tanga" habang nagngingittngit sa inis si mama.
Nguni't hindi palaging ganito sa amin. Hindi ko lamang alam sa magnanay na ito, pero ang sa amin ay ganito lamang ang eksena tuwing galit na galit si mama. Pero sa loob na loob niya'y hindi naman talaga ako "tanga", dahil naniniwala pa siyang kaya ko. Naniniwala siya dahil nasa akin ang kaniyang pangarap.
Marahil dito nga kami nagkaiba ng batang humahagulgol: hindi ako sumuko at hindi rin ako sinukuan ng aking ina. Sabihin na natin na hindi kami sumuko dahil halos taon-tao'y umaabot naman ako sa Sectoral Division, nananalo sa iba pang mga palahok at patuloy na "honor student." Pero kahit anong sabihin ay hindi pa rin kami sumuko. May mga nakita at kilalang tao na hindi naman uliran ang katayuan noong mga bata sila ngunit ngayo'y makikita ang kanilang pagsusumikap. Marahil kung sinukuan sila ng kanilang mga ina ay hindi sila nakatungtong ngayon sa the University of the Philippines Diliman (UP Diliman).
May mga kamag-anak akong nabalitaan kong hindi na kumuha ng entrance exam sa Philippine Science High School (Pisay) o sa UP Diliman dahil daw alam na nilang hindi papasa. Sobrang nakakadismaya. Eh ano kung magsayang ng isang araw? Eh ano kung sumubok? Eh ano kung bumagsak? Sa tingin ba nila'y "ok lang" ang ganoon? Ang nakita ko lang sa kanila ay hindi na sila nangangarap ng mataas. Gaano man kalaki ang possibilidad, kapag hindi sumubok ay nawawala lahat. Kung bubong ang pangarap, sa lupa ang lagpak. Kung langit ang pangarap, sa bubong babagsak.
Nalulungkot ako tuwing nakikita ko ang libu-libong mga anak ng liwanag na hindi na nagsusumikap sa buhay at pag-aaral. Hindi dahil may ilaw na sa ating tahanan ay hindi na tayo dapat mangarap. Nasasaktan ako tuwing nakikita ko ang mga magulang na pinag-uusapan ang anak nila na "bobo", "tanga", at "mahina ang ulo" na tila ba wala nang pag-asa. Hindi dahil walang ilaw sa inyong tahanan ay hindi na dapat kayo mangarap.
Mangarap ka, batang humahagulgol, dahil nasa'yo rin ang katuparan ng pangarap ng iyong ina.
No comments:
Post a Comment