“Patawad, sa 24 na lang.”
Yan ang sinasabi namin sa lahat ng nangangaroling. Hindi lang naman siguro kami ang mga taong sawa na sa mga batang pumupukpok lang ng tambourine at walang kagana-ganang kumanta kung mangaroling. Karoling ang tawag, pero sa katunayan ay panlilimos lang din nang may hawak na tambol at dagdag na kapal ng mukha.
Sabihin mo nang wala akong awa, pero hindi ako uto-uto. Alam naman natin na sindikato lahat sila, maliit man o malaki. Pag nagbigay ka ng isa, sunod-sunod na yan; gabi-gabi kang kakantahan ng “Pasko na Naman” at “Sa’ming Bahay,” at aabusuhin ng paulit-ulit ng kanilang mga kasama hanggang sa marindi ka at maubos hindi lang ang iyong barya kundi pati ang iyong pasensya at kabutihang-loob. ‘Di mo ba sila nakita dun sa kanto? Tingnan mo dun, nagtuturuan kung anong kulay ng bubong at pader o kung saang parol nakasabit ang bahay na nagbibigay. Mabuti pa nga kung kumakanta; minsan ay pumupukpok na lang ng lata at nagsasalita na lang, masabi lang na may kanta. Minsan kakatok lang, “namamasko po!”
Oo, hindi ako namimigay ng limos. Bakit ako mamimigay? Hindi kaya madaling kumita ng pera; tapos, hihingiin lang nila? Hindi kakain ang hindi nagtatrabaho. Pati nga DSWD sinasabi nang wag mamigay ng limos. Aminin mo na, peste ang mga yan.
Nagtataka nga ako bakit ako pa ang kailangang humingi ng tawad. Bakit ba kailangang sabihing “patawad?” Karapatan ba nilang bigyan ko sila ng pera? Nanghihingi lang sila; nasa sa akin na kung gusto kong magbigay. Pero sila pa itong may ganang magsungit at magmura at magsisigaw ng “barat!”
Ako ang mamimili kung sino ang karapat-dapat bigyan. Yung magaling kumanta, kuhang-kuha ang “espiritu ng pasko.” Yung maayos manamit, siguradong hindi nanlilimos. Yung may gitara pa, effort talaga! Basta wag yung gusgusin, sindikato yan. Kung saan-saan lang naman nila ginagastos yung pera: pangmall, lakwatsa, landi. Hindi naman nag-aaral ng mabuti.
Pero minsan naiisip ko, wala rin naman kaming pinagkaiba. Minsan hindi rin naman ako nag-aaral ng mabuti. Nagfafacebook, twitter, DotA, LoL, manonood ng animé, o kung anong BBC series, kain dito, movie doon; ginagamit ko din naman ang pera ko para magpakasaya. Siguro ang pinagkaiba lang, nabiyayaan lang ng kaunting ginhawa. Siguro naman kahit mahirap sila may karapatan pa rin silang magpakasaya, di ba? Kahit mall lang o lakwatsa, hindi naman siguro masama?
Kung effort ang pag-uusapan, magkasinghirap lang din siguro ang pagtatrabaho at panlilimos. Kahit gaano kakapal ang mukha mo, hindi rin naman madaling tapakan ang iyong dignidad at paghinalaan na magnanakaw o tamad ng bawat pares ng mata na makasalubong mo. Hindi madaling magbilad sa init ng araw at sumabit sa jeep na gusto kang ihulog, at maglakad ng nakayapak habang isa sa limang daang tao lang ang magbibigay sa’yo ng piso. Sa mga pesteng gustong mabuhay na parang hari ng kalsada siguro wala na akong magagawa, pero sa mga batang may pangarap pa, baka makatulong ang kaunting barya.
Wala rin naman akong pinagkaiba, dahil sa totoo lang, peste din ako. Hari ng sarili kong kalsada, abusado sa nag-iisang bahay na namimigay ng limos. Pero kahit na hindi ako magaling kumanta, o maayos manamit, at kahit na walang gitara, minsan isang pasko may pumili na bigyan ako ng isang regalong higit sa lahat ng baryang maiipon ng mundo. Minsan isang pasko pinatawad din ako. Kaya’t kung mangangaroling ka samin, kung pwede sana, ito rin ang ibibigay ko. Kaya kung pwede sana, wag mong hanapin ang barya. Ngayon, patawad muna. Balik ka na lang sa 24. Sana maalala mo pa.
No comments:
Post a Comment