Isa na namang makulimlim na hapon ng pagtitinda ng sampaguita ang sumalubong kay Bo. Pero sa totoo lang, hindi naman iyon ganun ka importante dahil umaraw man o umulan, kuripot pa rin ang mga pasahero sa SM Fairview. Ang pinagkaiba lang ay kung maliligo ba siya sa nagbabadyang ulan o sa pawis niya habang makailang ulit na iniilingan nang hindi man lang sinusulyapan.
Pagkakita pa lamang sa papalapit na yagit niyang suot at sa mga tali ng puting halimuyak sa kanan niyang kamay ay lumalayo na ng tingin ang iba. Ang pag-iwas tingin na ito ay sinasamantala ng iba niyang kakilala para buksan ang zipper ng bag at makanakaw ng gamit, o di naman kaya’y makanakaw tingin man lang lalo na kung babaeng maganda.
Kaya gayon na lamang ang pagkamuhi ni Bo sa mga kapwa niya sampaguita boys na nakadudungis ng kanilang karangalan – o atlis, ng kanyang karalangan, dahil malinaw na hindi lahat ay kagaya niyang mayroon pang dangal. Sa buhay kalsada kabobohang turing ang karangalan, dahil dito, hari ang diskarte at reyna ang para-paraan.
Pero hindi na iniinda ni Bo ang pagtawag sa kanya ng bobo ng kaniyang mga kaibigan, dahil hindi lang ang kanyang mga kaklase ang gumagawa nito, ni ang nanay ng kanilang kapitbahay, kundi mismong nanay na niya ang nagsasabi sa kanya na siya ay isang ‘bobo.’ At hindi lang bobo, kundi ‘bobo talaga.’
Ngunit si Bo ay hindi lubos na naniniwala rito, dahil may dalawang taon na rin ang nakalipas nang may nagsabi sa kaniya na siya raw ay ‘matalino.’ Nasagot niya kasi nang tanungin siya ng isang balyenang kanyang binebentahan, “anong scientific name niyan?” Ang balyenang ito ay yung tipo ng babae na tagilid pa kung umupo sa jeep na wari’y lata na ng sardinas, hindi nag-aabot ng bayad, at maraming komento at sermon sa lahat ng nagaganap sa kalsada. Dapat raw kasi ang mga bata raw ay nasa eskwelahan at nag-aaral, at hindi nanlilimos at pinababayaan ng magulang, at kung ano-ano pang masakit sa loob ang sinabi ng matandang matabang balyenang iyon.
“Jasminum sambac po,” ang sagot ni Bo sa napahiyang balyena, sabay pahabol pa ng “Dalawahin niyo na po.” At nasabihan nga siya ng “Ang talino nito ah,” ng magandang dalagang nursing student na kasunod sa pila ng balyenang namumula na sa hiya. At mula noon ay hindi na naniwala si Bo na siya ay isang ganap na bobo, kundi kalahating bobo lamang.
Nasaktan ng husto si Bo sa sinabi ng balyena, dahil nagtitinda nga siya ng sampaguita imbis na nanlilimos, at pinapakain naman siya ng kanyang nanay araw-araw. At lalo naman na araw-araw siyang pumapasok sa eskwela tuwing a las sais ng umaga para makita ang crush niyang si Kathryn Mendoza. Yun nga lang, section 1 kasi itong si Kathryn at siya naman ay section 2. Kaya naman ganoon na lamang ang pagsusumikap ni Bo, hindi lang sa pagtitinda ng sampaguita upang mabuhay, kundi pati na rin sa pag-aaral upang mabuhay ng masaya. Ano nga ba naman ang malay niya kung ang buhay pala niya ay pang kalyeserye o telenovela?
Kaya ganoon na lamang din ang hiya niya sa sarili nang naturang hapong iyon.
Walang malay niyang itinuloy ang kanyang pang-araw-araw na diskarte: suot ang kanyang kaawa-awang yagit na damit, dahan-dahan siyang nakayapak na lalapit at titig sa mata ng mga mukhang maawain, na kalimitan nga’y mga babae. Makatapos tumanggap ng siyamnapu’t siyam na iling bago makapagtinda ng isang tali ay nalapitan niya ang balyenang ito.
Hindi niya alam; paano nga ba niya malalaman? Hindi nga ata talaga maiiwasan; mangyayari’t mangyayari din. Marahil mas nakakagulat na makalipas ang ilang taon ay noong hapon lang na iyon nangyari ang kanilang pagtatagpo.
Hinding-hindi niya malilimutan ang mukhang iyon, ang mukhang minsa’y nagpakulo sa marangal niyang dugo. Hindi niya malilimutan ang tangos ng ilong at tabas ng labi ng balyenang ito, na minsa’y nang-insulto sa puso niyang may nais pang patunayan sa sarili, kahit na noon ay unti-unti na rin siyang nawawalan ng pag-asa sa bawat-araw ng pagtitinda na hindi naman lumalaki ang kita.
Nang makita niya ang balyenang iyon ay agad niyang nilapitan para bentahan at, aba! Inulit pa niya.
“Bili na po kayo, Jasmin sambac po. Dalawahin niyo na po.”
Binanggit ni Bo ang huling pangungusap ng dahan-dahan. At bumakas nga sa mukha ng balyenang ito, sa kanyang mapungay na kilay, mga matang nanlalaki, at sa pamumula ng likod ng kaniyang tenga, na bumabalik sa kanya ang alaala ng kahihiyan ng dalawang taong nakalilpas.
Ngunit bago pa man nakapagsalita ang balyena ay nalingat ni Bo ang batang babaeng kasama nito, na walang iba kundi ang pambansang crush ng bayan ng kanilang eskwelahan na si Kathryn Mendoza.
At nagtagpo ang kanilang mata.
Sa lahat ng panaginip ni Bo sa gabi at pangarap sa umaga ay ni minsan hindi niya hiniling na ganito ang kanilang unang pagkikita: na nagtitinda siya ng sampaguita sa yagit niya at kaawa-awang damit, habang pinapahiya niya ang nanay ng babaeng kanyang nagugustuhan.
Tumigil ang mundo ng dalawa’t kalahating segundo, habang nagkatitigan ang tatlo. Ang balyena kay Bo, sa naungkat na kahihiyan; si Bo kay Kathryn, sa mga nasirang pangarap; at si Kathryn kay Bo, sa kawalang malay at kawalang-paki. Umasa si Bo na sana’y naroon din sa likod ang mabait na nursing student noon, ngunit walang sumabat sa tahimik na pag-uusap ng tatlong pares ng mga mata.
Umihip ang malamig na hangin dala ang simoy ng nagbabadyang ulan at hinudyat ang muling pagtakbo ng oras.
Si Bo na kalahating bobo ang unang kumilos: yumuko, lumapit, at binigyan niya ng isang tali ng sampaguita itong si Kathryn sabay takbo palayo, habang nagbaka-sakaling hindi siya makilala at hindi maalala nito ang ilang segundo ng kanilang kahiya-hiyang pagtatagpo.
Sa bawat padyak ng kanyang mga paa, dahan-dahang lumalakas at lumalaki ang patak ng ulan. Hinayaan ni Bo na tumilamsik sa kanyang paa at bumuhos sa kanyang katawan ang naiipong iyak ng langit sa lupa, sa baka-sakaling mahugasan ang kanyang yagit na damit mula sa halimuyak ng kanyang dala-dalang mga sampaguita.